Check Our Own Videos

                                    

Advertisement

Friday, February 23, 2018

Ang Nag-iisang Utos (Unang Bahagi)



"Bawal Magtapon ng Basura Dito! by Order: Utos"

Basa ni Takot sa nakasulat sa tabla na nakapako sa puno ng mahogany sa tabi ng gabundok na basura. Ang mga letra ay nakasulat gamit ang kulay puting pintura samantalang ang buong tabla naman ay may pintura na kulay dugo. Glossy paint yata ang ginamit dito at halatang bagong gawa pa lang ito dahil sa amoy na parang kerosene. Agaw pansin ang karatula dahil sa kanyang kulay at laki.

Magdadalawang taon na akong nagtatapon dito ng basura tapos pagbabawalan mo akong magtapon dito ngayon ng basura?

Magdadalawang taon nang nagtatapon si Takot ng basura dito. Lahat ng kanyang kapitbahay ay dito din nagtatapon ng basura. Makikitang ang gabundok na basura ay galing sa mga nakatira dito sa purok.

Ang tapunan ng basura na ito ay mas matanda pa kay Takot. Bago pa lang sya maging limang taong gulang, ang kanyang tatay ay dito din nagtatapon ng basura simula pa noong bagong kasal pa lang sya. Mahigit isang taon din bago naipanganak si Takot. Kung tutuusin, ang edad ng tapunan ng basura na ito ay nasa walong taong gulang.

Utos, kung sino ka man... Who you ka sa akin!

Binuhat ni Takot ang dala dalang sako ng basura paakyat sa gabundok na basura. Nang nasa tuktok na sya ng gabundok na basura, hinawakan ng kanyang dalawang kamay ang ilalim ng sako pabaliktad habang kanyang ibinubuhos ang buong laman na basura. Kumalat ang mga dahon, mga papel, mga plastic at mga tira ng gulay at isda.

Yikes. Inuod na yung mga nabulok na basura sa bandang ilalim ng sako. Ambaho!

Hinigpitan ni Takot ang kanyang apat na daliri na nakahawak sa sako. Ipinanganak si Takot na dalawa ang daliri sa bawat kamay. Mayroon syang hinlalaki at isa pang mas malapad na daliri na parang pinagsanib na hintuturo at hinliliit. Winasiwas ni Takot ang sako para mailabas lahat ng mga naiwang basura.

Makapag-igib na nga ng tubig.

Bagamat ipinanganak na may kapansanan, si Takot ay masipag. Simula noong limang taong gulang pa lamang sya, naaasahan na sya sa mga gawaing bahay.

Dala dala ang sakong pinaglagyan ng basura, pumunta si Takot sa may poso para mag igib ng tubig. Makalipas ang limang minuto, narating ni Takot ang poso. Ang poso ay nasa limandaang metro ang layo sa tapunan ng basura.

Kinuha ni Takot ang kulay bughaw na balde na nasa tabi ng puno ng langka. Inilagay nya ang balde sa ilalim ng bunganga ng poso. Dahan dahang ibinomba ni Takot ang poso hanggang sa mapuno ng tubig ang balde. Ang balde ay nagkakalaman ng anim na litro ng tubig bago ito umapaw. Nang umapaw na ang tubig, binuhat ni Takot and balde at itinabi ito sa may puno ng langka.

Kung didiligan ko ba ang langka na ito, babalik kaya ito sa dati nyang malagong buhay?

Noong makalipas na dalawang taon, ang puno ng langka sa tabi ng poso ay may mga malagong dahon at minsan ay nagkakabunga pa. Ngunit ngayon, ang puno ng langka ay nasa bingit na ng kamatayan.

Ibinomba ulit ni takot ang poso para hugasan ang sako. Matapos ito ay tinupi ni Takot ang sako at binuhat ang balde pauwi sa kanilang bahay.

Araw-araw tuwing alas singko ng umaga, si Takot ay nag-iigib ng tubig. Paminsan minsan, si Takot ay may dala ding sako ng basura. Ang sako ng basura ay napupuno makalipas ang tatlong araw, minsan ay apat na araw.



————————————————————————————
This is your fine start;
Explore the arts;
Read more;
Practice styles;
Then create your own -
Your finest art.

Thanks God I've completed this art.
I'm excited to create my finest art after this.